--Ads--

CAUAYAN CITY – Ibinunyag ng grupo ng mga magsasaka sa lalawigan ng Benguet ang bagong modus sa smuggling ng mga gulay sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Agot Balanoy, manager ng hi-land farmers cooperative na batay sa nakukuha nilang impormasyon, inililipat ang mga carrots sa mga malalaking boxes na walang marka at ito ang dinadala sa mga business establishment na nag-oorder ng carrots gaya ng mga restaurants.

Ito ang dahilan kaya walang dumadaan sa mga palengke at wala nang nakukumpiska.

Aniya, naiparating na nila sa Department of Agriculture (DA) ang bagong modus sa pagdispose ng mga smuggled carrots pero wala pang tugon gayunman ay tiniyak niya na nakahanda silang makipagtulungan sakali mang ito ay imbestigahan.

--Ads--

Ayon pa kay Balanoy, maliban sa problema nila sa smuggling ay parang wala rin umanong pera ang mga mamamayan kaya matumal pa rin ang demand batay sa kanilang natatanggap na impormasyon.

Sa ngayon ay nasa 50% na ang hindi nabibili sa produkto ng mga magsasaka sa lalawigan ng Benguet at katumbas ito ng nasa P3 million na lugi sa bawat araw.

Hiling nila sa susunod na administrasyon na pagtuunan ng pansin ang sektor ng agrikultura dahil kawawa ang mga magsasaka.

Panawagan din niya sa mga consumers na tangkilikin pa rin ang mga produkto ng mga Pilipino para hindi sila mawalan ng hanapbuhay at sa mga magsasaka naman ay huwag mawalan ng pag-asa at ipagpatuloy pa rin ang pagtatanim.

Sa mga nanalo namang kandidato noong halalan ay gawin ang kanilang mga pangako noong nangangampanya pa lamang sila lalo na ang pagtulong sa mga magsasaka.

Sinabi rin ni Balanoy na maganda ang sinasabing gawing dalawampong piso ang bawat kilo ng bigas subalit nagtataka sila kung paano ito gagawin.

Dalawang paraan lang naman aniya ang paraan para magawa ito at ito ay ang tulungan ang magsasaka na pababain ang kanilang cost of production o di naman ay i-oversupply ang bigas sa pamamagitan ng importasyon na huwag sanang gagawin dahil pangunahing maaapektuhan dito ay ang mga magsasaka sa bansa.