CAUAYAN CITY – Binigyang diin ng isang psychologist na kailangan ng mga anak ang atensyon ng mga magulang.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ng isang registered psychologist na si Dominic Agoot na kapag nasa early childhood hanggang middle childhood ay nangangailangan ng atensyon at dapat ay normal na maibigay ng mga magulang o guardian.
Kanyang sinabi na dapat lamang na sa loob ng isang oras ay bigyan ng pansin ng anim na minuto ang kanilang mga anak upang makamit ang atensyon na kailangan nila dahil normal na attention seeker ang mga bata hanggang middle childhood.
Gayunman kapag nasa adolescent period ay iba na ang developmental needs ng mga tao dahil gusto nilang makawala sa kanilang mga magulang at nais nilang sila ang kokontrol sa kanilang gagawin.
Hindi naman ito dapat pabayaan at bigyan ng atensyon ng mga magulang dahil kailangan dapat ang patuloy na pagsubaybay sa kanilang mga anak.
Binigyang diin ni Agoot na sa early stage pa lamang ng development ng mga bata ay kailangan nilang maramdaman ang tinatawag na “Sense of Belongingness” upang mabuo ang pagtitiwala at lumaking may tiwala sa kapaligiran.
Bukod dito ay kailangan ang bukas na kumunikasyon sa loob ng pamilya at maari itong gawin habang kumakain sa pamamagitan ng kumustahan.
Kailangan din ang bonding sa pamilya at maaring gawin ito kapag weekend.
Hindi aniya napapalitan ng material na bagay ang atensyon na dapat ipagkakaloob sa mga anak.
Kailangang bukas ang komunikasyon upang masabi nila ang kanilang mga nararamdaman at problema sa mga magulang.
Sinabi niya na ang mga dahilan kung bakit ang isang tao ay wala sa tamang pag-uugali ay dahil maaring nais nila ng kapangyarihan, paghihiganti, atensyon at mababang antas ng tiwala sa sarili.










