
CAUAYAN CITY – Nilinaw ng pamunuan ng Land Transportation Office o LTO Cauayan na wala pang ipinapadalang pre-printed card upang ibigay sa mga Overseas Filipino Worker o OFWs na nangangailangan ng kanilang lisensya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Deo Salud, Chief ng LTO Cauayan City District Office, sinabi niyang bagamat may inilabas ng press release ang LTO Central Office ay wala pang memorandum na ibinaba sa kanila.
Wala ring abiso kung kailan ipapadala sa kanilang tanggapan ang pre-printed card.
Nagsasagawa naman sila ng malawakang impormasyon upang hindi sila dagsain ng mga OFWs na naghahabol ng kanilang lisensya bago magtungo sa ibang bansa.
Tiniyak naman niya na ang lisensya ng mga OFWs ang kanilang uunahin kung sakaling dumating na ang supply ng mga card na inaasahang darating sa katapusan ng buwan ng Oktubre ngayong taon.
Ang pahayag na uunahin ang lisensya ng mga OFWs ay tiniyak mismo ng OIC ng LTO na si Atty. Hector Villacorta.
Humihindi ngayon ng pang-unawa ang LTO Cauayan sa mga apektadong motorista.









