
CAUAYAN CITY – Nasa ligtas nang kalagayan ang isang bagong silang na sanggol na ipinamigay ng kanyang sariling ina sa mag-asawang magsasaka sa sitio Flabiano Barangay Dalena, San Pablo, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rouel Meña, hepe ng San Pablo Police Station sinabi niya na patuloy ang pagsisiyasat sa naturang insidente gayunman natukoy na ang pagkakakilanlan ng ina ng sanggol.
Batay sa kanilang pagsisiyasat napag-alaman na kusang ipinamigay ng ina ang anak nito sa mag-asawang magsasaka na kakilala niya sa Brgy. Dalena subalit pinalabas ng mag-asawa na napulot nila ang sanggol na nakasilid sa kahon at iniwan sa bukid.
Ang babaeng sanggol ay nasa Neonatal Intensive Care unit ng Cagayan Valley Medical Center at maayos na ang kondisyon.
Ayon kay PMaj. Meña posibleng ang kagustuhang itago ang pagbubuntis at panganganak ang nag-udyok sa ina ng bata na ipamigay ito.
Dahil dito posibleng maharap sa kasong child abuse ang ina ng sanggol.
Paalala ng San Pablo Police Station sa mga magulang partikular sa mga ina na sakali mang ayaw nila ang kanilang anak o wala silang kakayahan na buhayin ito ay maaari nilang ipasakamay sa pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD.










