
CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang tsuper matapos na mabangga ng isang wing van truck ang minamaneho nitong motorsiklo sa Barangay Abian, bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.
Ang biktima ay si Dexter Marquez, dalawampu’t dalawang taong gulang at residente ng Sto. Domingo Proper, Bambang, Nueva Vizcaya, habang ang tsuper ng wing van truck ay si Christian Japitana,dalawampu’t walong taong gulang, tubong San Pascual, Talavera, Nueva Ecija at kasalukuyang naninirahan sa Plaridel, Santiago City.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng Bambang Police Station na human error ang sanhi ng aksidente dahil mabilis ang takbo ng wing van habang nag oover take sa isa pang motorsiklo subalit hindi nito napansin ang kasalubong na motorsiklo dahil sa mahina ang head light nito.
Sa lakas ng pagkakabangga ay nawasak ang motorsiklo habang tumilapon at nagtamo ng malubhang sugat sa iba’t bang bahagi ng katawan ang biktima na agad dinala ng mga rumespondeng tauhan ng MDRRMO rescue unit sa Region II Trauma and Medical Center o R2TMC Bayombong subalit idineklarang dead on arrival.
Ang labi ng biktima ay nakalagak na sa kanilang bahay.
Payo ng Bambang Police Station sa mga motorista na tiyaking gumagana ang kanilang mga headlight upang makita sila ng iba pang motorista sa kalsada lalo na kung gabi para makaiwas sa aksidente.










