CAUAYAN CITY – Nagsampa na ng patung-patong na kaso ang may-ari ng resto bar sa Brgy. Cabaruan laban sa lalaking nanggulo sa lugar madaling araw kahapon.
Ang pinaghihinalaan ay si Daniel Vergara, dalawampu’t siyam na taong gulang, welder, at residente rin ng naturang barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay ginoong John Benson Lagmay, manager ng resto-bar, sinabi niyang nagsampa na sila ng reklamong Alarm and Scandal at Mallicious Mischief laban sa suspek at sinampahan din siya ng kasong Resistance and Disobedience to an agent of authority.
Aniya, hindi pa malinaw ang dahilan ng panggugulo ng pinaghihinalaan ngunit hinala nila na posibleng wala umano siyang pambayad sa kanyang nainom na alak.
Nilinaw din niya na hindi nangyari ang gulo sa loob ng resto-bar bagkus ay sa tabi ng kalsada kung saan tumakbo ang suspek at naabutan siya ng mga crew ng resto-bar.
Sa ngayon ay nakakulong na si Vergara sa detention facility ng Cauayan City Police Station.