CAUAYAN CITY – Mahaharap sa kasong pagpatay ang isang lalaki na kumitil sa buhay ng kanyang kinakasama sa Sitio Tangngad, Brgy. Poblacion, Paracelis, Mt. Province.
Nasawi si Clexy Ilacad, 26-anyos matapos na pagsasaksakin ng kanyang kinakasama na si Rodante Palangdao, 36-anyos dahil umano sa selos.
Bago ang krimen ay nagkaroon ng matinding pagtatalo ang dalawa.
Inaakusahan ng pinaghihinalaan ang biktima na mayroon siyang ibang kinakasama na dahilan ng matinding pagseselos ng lalaki.
Dito na kumuha ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Agad na tumakas ang lalaki pagkatapos ng krimen habang sinubukan pang itakbo sa pagamutan ang biktima subalit idineklara nang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Pagkatapos ng ilang oras ay kusa ring sumuko ang suspek sa himpilan ng pulisya kung saan kasalukuyan siyang nakakulong.