--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiniyak ni Mayor Venus Bautista na magkakaroon ng malalimang pagsisiyasat ang pagkasawi ng isang Pulis at isang Waiter sa naganap na shooting incident sa loob ng isang resto bar sa  Brgy. District 2, Tumauini Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Bautista sinabi niya na ikinalungkot niya ang muling pagkakatala ng shooting incident sa kanilang bayan na kinasangkutan pa ng mga Pulis na hindi naman nakadestino sa kanilang bayan kasabay ng pinaigting na pagpapatupad ng Election Gun Ban ngayon ng pulisya.

Pananagutin ng Pamahalaang Lokal ang may-ari ng Resto Bar dahil sa paglabag sa kanilang ordinansa o curfew hour kaya posible itong mapasara at hindi na muling makapag-operate lalo at mahigpit na ipinagbabawal din ang pagpapasok ng baril sa mga bahay inuman.

Iginiit naman niya na mahigpit ang checkpoint kaugnay sa Election gun Ban sa kanilang bayan subalit ang nakalulungkot ay mga Pulis pa ang sangkot sa barilan at dala dala ang kanilang mga service firearms.

--Ads--

Nagpaabot din siya ng pakikiramay sa nasawing Pulis na tubong Delfin ALbano, Isabela at sa waiter ng bar na mula sa Cansan, Cabagan, Isabela.

Babala niya na mas magiging mahigpit siya ngayon sa pagpapaalala sa Pulisya dahil titiyakin niyang hindi na mauulit ang ganitong pangyayari sa kanilang bayan.

Wala pang malinaw na pahayag kaugnay sa insidente subalit batay sa ilang impormasyon kapwa nasa bahay inuman ang mga pulis nang magkaroon ng palitan ng putok sa dalawang pulis na sangkot at nadamay lamang ang waiter na tinamaan ng bala sa binti.