
CAUAYAN CITY – Nasawi ang mag-lola matapos na masalpok ng Van ang sinasakyan nilang Tricycle sa pambansang lansangan na bahagi ng barangay Capirpiriwan, Cordon Isabela.
Sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. William Lugo, Deputy Chief of Police ng Cordon Police Station, kanyang sinabi na galing sa palengke ang mga biktimang sina Randy Nood, dalawampu’t limang taong gulang, tsuper ng Tricycle, mga sakay nito na sina Roda Nood, labing anim na taong gulang, estudyante, at kanilang lola na si Maxima Bohol, walumpu’t isang taong gulang, pawang residente ng Capirpiriwan, Cordon, Isabela nang sila ay mabangga ng Van na minaneho ni Joel Samson Lumbian, apatnapu’t isang taong gulang at residente ng Mt. Province.
Sa pagsisiyasat ng PNP Cordon, binabagtas ng tricycle ang daan patungo sa timog na direksyon at nang papakaliwa na patungo sa silangang direksyon ay nasalpok ito ng Van na nasa kasalungat na direksyon.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay nakaladkad ng Van ang Tricycle ng nasa sampong metro at sumadsad sa gilid ng daan na malapit sa poste ng kuryente.
Idineklarang Dead On Arrival sa pagamutan ang sakay ng Tricycle na sina Roda at Maxima habang ang tsuper nito na si Randy ay nasa kritikal na kondisyon.
Nasa pangangalaga na rin ng PNP Cordon ang tsuper ng Van.
Paalala nila sa lahat ng mga motorista na huwag padalos-dalos sa pagmamaneho lalo na at nakakaranas ng pag-ulan.










