
CAUAYAN CITY – Mahaharap sa kasong frustrated homicide ang isang lalaki matapos na manaksak sa isang kasalan sa Barangay Casala.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Julius Telan, Deputy Chief of Police ng San Mariano Police station sinabi niya na ang biktima ay si Jay Randy Piguingon labing walong taong gulang habang ang pinaghihinalaan ay si Abigail Alay-ay.
Batay sa kanilang pagsisiyasat dumalo sa isang kasalan ang biktima at suspek at nagkaroon ng inuman.
Nang pareho nang nasa impluwensya ng alak ay nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa.
Pilit umanong kinukuha ng suspek ang susi ng motorsiko mula sa biktima para makaalis na subalit sa halip na ibigay ay sinuntok umano nito ang pinaghihinalaan.
Dahil dito ay kinuha ng suspek ang dala nitong kutsilyo at sinaksak ang biktima.
Nagkagulo sa kasalan at napigilan naman ang panggugulo ng pinaghihinalaan habang itinakbo sa pagamutan sa bayan ng San Mariano ang biktima na kalaunan ay inilipat sa isang ospital sa Lungsod ng Cauayan.
Sa ngayon ay nasa maayos nang kalagayan ang biktima subalit desidido ang pamilya nitong magsampa ng kaso laban kay Alay-ay.










