--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga kasapi ng Tumauini Police Station ang pitong katao matapos mahulihan ng pekeng binhi ng mais.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Charles Cariño, hepe ng Tumauini Police Station, sinabi niya na naaresto ang mga pinaghihinalaan dahil na rin sa reklamo ni Ginang Nora Anati na nakatakdang tumanggap ng delivery ng isang daan dalawampong sako ng binhi ng mais.

Ilan sa mga nasabat nilang pekeng binhi ng Mais ay nakuha sa warehouse ng biktima habang ang mga suspek o dealer ng pekeng binhi ay nadakip sa barangay San Mateo habang kasalukuyan ang transaksyon sa delivery at hindi pa naibaba ang mga binhi.

Sa pamamagitan ng pagsususri ng Municipal Agriculture Office ay napatunayang peke ang mga binhing mais na nabili at ibinenta sa biktima.

--Ads--

Ayon sa biktima ang transaksyon ay ginawa online at wala siyang kaalam-alam na peke ang nabili niyang produkto.

Dumipensa rin ang mga dakakip na isang buwan pa lamang siyang nag-ooperate at ang mga ibinebenta nilang binhi ay binibili lamang rin nila online at wala rin silang alam na peke ito.

Unang nalaman ng biktima na peke ang mga binhing kanyang ibinibenta matapos na may isang magsasaka ang nakabili nito at nagtaka kung bakit kakaiba ang itsura ng nabili nitong binhi na agad naiulat sa Municipal Agriculture Office.

Dahil sa claim ng mga suspek ay handa ang tumauini Police station na magsagawa pa ng malalimang pagsisiyasat para matukoy kung saan nanggagaling ang mga pekeng binhi.