--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagbabala na sa mga magsasaka ang Kagawaran ng Pagsasaka o DA Region 2 dahil sa paglipana ng mga pekeng binhi ng mais.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OIC Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2 sinabi niya niya natanggap na nila ang Police Report mula sa Tumauini Police Station kaugnay sa pagbebenta ng pekeng binhi ng hybrid corn seeds  na kinumpirma naman ng Municipal Agriculture Office.

Matatandaan na nasamsam ng Tumauini Police Station ang higit isang daang bag ng pekeng hybrid corn seeds na idedeliver sana sa isang magsasaka sa naturang bayan na umano’y nabili nito online.

Dahil dito ay pinaalalahanan ng DA Region 2 ang mga magsasaka na pagdudahan ang mga ibinebentang bagsak presyong binhi na malayo ang agwat ng presyo sa mga lehitimong Agricultural supply.

--Ads--

Makikita o mapapansin din ang pagkakaiba ng pekeng binhi sa orihinal na binhi sa pamamagitan ng sako nito.

Aniya ang orihinal ay may matingkad na print sa kanilang packaging kumpara sa mga tampered packaging.

Mas malaki rin ang logo sa orihinal kumpara sa mga tampered agriculture products.

Sa katunayan aniya ay hindi ito ang unang pagkakataon na makapagtala sila ng bentahan ng pekeng binhi dahil nitong mga nagdaang taon ay namonitor na rin nila ang bentahan ng pekeng binhi ng palay na nagmula rin sa ibang rehiyon.

Paalala pa niya sa mga magsasaka na huwag magpapadala sa mas murang presyo dahil malaki ang magiging epekto nito sa kita at ani lalo kung peke ang binhing ipupunla.