--Ads--

CAUAYAN CITY – Magsisimula nang higpitan ng mga force multipliers sa lungsod ang pagbabantay sa mga kalsada at terminal kasabay ng pagdagsa ng mga pasaherong paluwas at pabalik sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division o POSD Chief Pilarito Mallillin sinabi nito na dahil tapos na ang Undas ay asahan na ang muling pagbugso ng mga taong magsisimulang lumuwas.

Aniya ilan sa tututukan nila sa ngayon ay ang mga terminal ng bus sa lungsod maging ang Cauayan City Airport.

Nagbabala naman ang mga otoridad sa mga biyahero na maging mapagmatyag at bantayang maigi ang kanilang mga gamit upang hindi sila masalisihan ng mga masasamang loob.

--Ads--

Inaasahan naman ang pagbibigat ng trapiko partikular sa Maharlika Highway simula bukas hanggang linggo kaya’t mahabang pasensya umano ang kailangan ng mga motorista.

Nagpaalala naman ang pinuno sa mga tricycle driver na huwag samantalahin ang pagmamadali ng mga residente upang makapaningil ng higit sa minimum.

Aniya kahit gabi ay dapat sundin pa din ng mga namamasada ang tamang paniningil dahil mabigat na parusa umano ang kanilang matatanggap kung sila ay mairereklamo.