
CAUAYAN CITY – Isang babae ang sinaksak sa bayan ng Dupax Del Sur ng kanyang sariling pamangkin na nagpakamatay din matapos ang pangyayari.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Ferdinand Corpuz, hepe ng Dupax Del Sur Police Station na ayon sa biktima, pumunta ang pamangkin nito sa kanyang bahay at sinabing makikitulog na pinayagan naman niya at pinakain pa.
Habang kumakain ay kumuha ng kumot ang biktima sa kwarto at paglabas nito ay bigla na lamang umano siyang sinaksak ng pamangkin gamit ang Kitchen knife habang iniaabot ang kumot.
Nakatakbo naman ang biktima at humingi ng tulong sa mga kanyang mga kapatid habang mabilis na nakaalis ang suspek at nang makita sa kanyang kalapaw kinaumagahan ay nakabitin na sa kanyang kubo at patay na.
Batay sa kanilang pagsisiyasat, wala namang utang sa biktima ang suspek at wala ring hindi pagkakaunawaan pero parang nakainom umano ito nang magtungo sa kanyang bahay.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nakitulog ang suspek sa bahay ng tiyahin kaya nabigla sila sa nagawa nito.










