
CAUAYAN CITY – Nakaligtas ang isang lalaki matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang pinaghihinalaan sa Brgy. Baculod.
Ang biktima ay si Marvin, dalawampu’t apat na taong gulang, may-asawa, magsasaka at residente ng nasabing barangay.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa biktima, galing siya sa pamimili ng mga pagkain at pauwi na sa kanilang bahay sakay ng kanyang kolong-kolong nang biglang nabutas ang plastic na lalagyan ng kanyang pinamili kaya tumigil muna siya sa gilid ng kalsada upang ayusin ito.
Habang inaayos ang pinamili ay lumapit sa kaniya ang isang lalaki na lulan ng puting XRM na motorsiklo at bigla na lamang siyang pinaputukan.
Una siyang tinamaan sa kanyang tagiliran, at nang makita niyang babarilin siya sa ulo ay nagawa umano niyang isangga ang kanyang kamay kaya ito ang natamaan subalit tumagos ang bala at dumiretso sa kanyang balikat.
Tinamaan din siya sa kanyang binti at isa pa sa kanyang tagiliran bago siya nakatakbo palayo sa lugar.
Habang tumatakbo ay binaril din siya ng ilang beses ng gunman bago tuluyang sumakay sa kanyang motorsiklo at nagtungo sa timog na direksyon.
Agad namang nirespondehan ng mga residente ang biktima at dinala sa isang pribadong pagamutan at agad siyang isinailalim sa operasyon.
Sa ngayon ay nasa Intensive Care Unit ang biktima subalit malayo na sa kapahamakan.
Ayon sa biktima nakasuot ng helmet at asul na jacket ang gunman at wala ring plaka ang kanyang kulay puting XRM.
Wala namang ideya ang pamilya ng biktima kung sino ang nasa likod ng pamamaril dahil wala naman siyang nakakaaway.
Magsasaka lamang din ang kanyang trabaho at hindi rin siya tumakbo sa nakalipas na halalan.
Samantala narekober sa pinangyarihan ng krimen ang ilang basyo ng kalibre kuwarenta’y singkong baril.
Sa ngayon ay patuloy pa ang follow up operation ng pulisya at mayroon na silang tinitingnang person of interest.










