--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinangay ng hindi pa nakikilalang magnanakaw ang motorsiklo ng isang residente na nakaparada sa harapan ng kanilang bahay sa Brgy. Nungnungan Dos, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Michael Gabriel, may-ari ng motorsiklo sinabi niyang posibleng isinagawa ang pagnanakaw sa kanyang motorsiklo bandang alas dos hanggang alas kwatro ng madaling araw noong Lunes.

Aniya bagamat marami sila sa loob ng kanilang bahay ay wala naman silang naramdaman o narinig na ingay na senyales ng pagnanakaw.

Hindi naman niya naiwan ang susi sa motorsiklo ngunit wala naman umanong tarangkahan ang kanilang bahay kaya posibleng natanaw sa labas ang kanyang motorsiklo.

--Ads--

Sinabi nito na nakahanda silang magbigay ng gantimpala sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng kaniyang motorsiklo na dalawang taon pa lamang niyang ginagamit.

Aniya ito na ang ikalawang pagkakataon na nanakawan sila ng motorsiklo sa kanilang compound.

Ang motorsiklo ay isang Yamaha Mio Sporty, purple black ang kulay, may file number na 0201-539085 at kulay gold ang rim.