
CAUAYAN CITY – Maituturing na recidivist o dati nang nakulong ang joyride rider na nasasaman ng halos isang milyong pisong halaga ng shabu sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa ngayon ay patuloy ang pagsisiyasat ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO para matukoy kung may iba pang kasabwat ang pinaghihinalaan sa pag-operate at pagbebenta ng iligal na droga sa Lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Manny Pawid ang tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office sinabi niya na dati na nilang nadakip ang pinaghihinalaan sa kapareho ring kaso noon sa Aritao Nueva Vizcaya.
Nakulong din aniya ito subalit matapos na makalaya ay muling bumalik sa iligal na gawain.
Tiniyak naman ni PCpt. Pawid na hindi makakaapekto ito sa mga barangay at bayan na kasalukuyan nang drug cleared dahil batay na rin sa kanilang monitoring kakaunti na ang mga illegal drug traders o pushers sa kanilang lalawigan dahil sa mas pinaigting nilang kampanya kontra droga.
Napag-alaman na ang source ng droga ay mula sa Metro Manila.










