CAUAYAN CITY – Patuloy na sinisiyasat ng Tabuk City Police station ang naganap na aksidenteng kinasangkutan ng isang sleeper bus at motorsiklo na ikinasawi ng isang ginang at ikinasugat naman ng tatlong iba pa sa Tabuk City, Kalinga.
Matatandaan nasawi si Joy Alos, apatnapu’t siyam na taong gulang, habang nagtamo naman ng sugat ang kanyang asawa na nagmamaneho ng motorsiklo na si Daniel Alos, apatnapu’t anim na taong gulang, Pentecostal Church preacher gayundin ang kanilang dalawang anak na sina Daniel, walong taong gulang at Kristine sampung taong gulang na mga residente ng Dananao, Lacnog, Tabuk City.
Wala namang tinamong sugat ang tsuper ng Victory Liner sleeper bus na si Diosdado Valdez, apatnapu’t walong taong gulang, may-asawa at residente ng Quezon City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMSgt. Prudencio Atas, Assistant Public Information Officer ng Tabuk City Police Station sinabi niya na sinusundan ng bus ang motorsiklong kinalululanan ng mga biktima at nang mag-oover take sana ang bus ay bigla namang lumiko pakaliwa ang tricycle sanhi para mabangga ito.
Agad dinala sa Kalinga Provincial Hospital ang mga sakay ng motorsiklo subalit idineklarang dead on arrival si ginang Alos.
Sa ngayon ay stable na ang mag-aamang nasugatan.
Samantala, bukas naman ang Pulisya kung sakaling magsasampa ng kaso ang kumpaniya ng bus at bus driver laban sa mga taong nanira sa bus.
Nilinaw din niya na walang katotohanan ang mga impormasyong kinuyog ng mga tao sa lugar ang bus driver dahil agad namang naka responde ang kanilang mga tauhan.










