CAUAYAN CITY – Dinakip ang magkapatid matapos nilang looban at pagnakawan ang isang grocery store sa barangay Villaros, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jolly Villar, hepe ng Bagabag Police station sinabi niya na madaling araw ng mapansin ng may-ari ng isang grocery store na may nawawala sa loob ng tindahan kaya agad na nag ulat sa pulisya.
Napag-alaman na tinuklap ng mga pinaghihinalaan ang likurang bahagi ng grocery store gamit ang itak at plier at natangay ang pera na nagkakahalaga ng isang daang libong piso at dalawang cell phone.
Batay sa kanilang pagsisiyasat, bago looban ang tindahan ay nag inuman ang mag kapatid na pinaghihinalaan.
Umamin din sila sa ginawang pagnanakaw at itinuro rin kung saan nila itinago ang ninakaw na pera at cell phone.
Ang pera ay itinago nila sa bahay ng isa nilang kapatid habang pinaghiwalay naman nila ang pinagtaguan ng dalawang cellhone.
Isinailalim na sa discernment test ang menor de edad na pinaghihinalaan para malaman kung isasali sa pagsasampa ng kaso.
Wala namang nakikita sa kanilang record na walang kinasangkutan na iba pang insidente ng pagnanakaw ang mag kapatid dahil ito ang unang pagkakataon na sila ay mahuli.
Handa naman ang Pulisya na magsampa ng kaso laban sa mga suspek bago pa man magkaroon ng settlement sa pagitan ng kanilang mga magulang at may-ari ng tindahan.
Labis namang ikinalungkot ng Bagabag Police Station ang pagkakasangkot ng mga kabataan sa mga naitatala nilang kaso ng pagnanakaw at carnapping.
Panawagan ni Pmaj. Villar sa mga magulang na gabayan ng tama ang kanilang mga anak upang hindi masangkot sa krimen.










