
CAUAYAN CITY – Nananawagan ang Comelec Cauayan City sa lahat ng naghain ng kanilang kandidatura noong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Election na magpasa na ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE hanggang bukas araw ng myerkules.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Christopher Thiam, City Election Officer, sinabi niya na 2,440 ang naghain ng kanilang kandidatura noong nakaraang halalan subalit 1,200 palang ang nagpapasa ng kanilang SOCE batay sa kanilang datos.
May dalawang araw nalang aniya upang magsumite ng kanilang obligasyon, nanalo man o natalo.
May posibilidad din na ang ilan sa mga hindi pa nagpasa ng SOCE ay ang mga kandidato na hindi pinalad na makaupo sa pwesto.
Nagpaalala siya na maaaring hindi na makapaghain ng kandidatura sa susunod na eleksyon ang sino mang hindi makakapag sumite ng SOCE ngayon.











