CAUAYAN CITY – Bumaba ang naitala ng Police Regional Office 2 o PRO2 na mga lumabag sa gunban na ipinatupad dahil sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Election kung ikukumpara sa nakalipas na National Election.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMAJ. SHARON MALLILLIN, tagapagsalitan ng PRO2 na mula ikadalawampu’t walo ng Agosto hanggang alas sais ng umaga kahapon, ikadalawampu’t siyam ng Nobyembre ay may naitala silang limampu’t apat na lumabag sa COMELEC gun ban.
Pinakamarami ang Cagayan na may dalawampu’t isa na sinundan ng Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino at Santiago City.
Aniya, kung ikukumpara sa nakalipas na halalan ay bumaba ang naitala nilang paglabag ngayong taon.
Malaki aniya ang naitulong ng maaga nilang pagsasagawa ng information dissimination, pagiging aktibo ng pagpapatupad ng checkpoint gayundin ang suporta ng kanilang mga stakeholders.
Paalala lamang nila sa publiko na hindi ibig sabihin na nagtapos na ang gun ban ay pwede na ring magdala ng baril maliban lamang kung may kaukulan itong dokumento.











