--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasa Brgy. Casala San Mariano na ang ilang rescuers na maghahanap sa nawawalang Piper Plane na may Tail no. RP-C 1234 na unang nawala noong ikatatlumpo ng Nobyembre habang patungo sa Palanan Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay MGen. Audrey Pasia, Division Commander ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na ginagalugad na ng mga ground rescuers ang kabundukan na maaring binagsakan ng nawawalang eroplano sa bahagi ng Brgy. Casala, San Mariano at Brgy. Didian, Palanan Isabela.

Nasa tatlumput dalawang PNP Personnel ang nagtungo sa Brgy. Casala, San Mariano para maghanap at may Composite Group din sa Palanan Isabela na tumulak kahapon ng umaga.

Sinusundan ng mga awtoridad ang inilabas na datos ng radar ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP.

--Ads--

May mga dala namang drone ang rescue teams upang masuyod ang mga lugar na hindi mapuntahan ng tao.

Aniya pahirapan ang paghahanap dahil makakapal na kabundukan ang susuungin ng mga rescuers at maulan din ang panahon.

Batay sa pagtaya ng MDRRMO Palanan aabutin sila ng isang araw na paglalakad upang maabot ang hinihinalang binagsakan ng eroplano.

Kung babalikan aniya ang nangyari sa paghahanap sa nawalang Cessna 206 Aircraft na may tail number RP-C1174  noong nakaraang taon ay umabot sa isang buwan bago ito nahanap.

Umaasa naman si MGen. Pasia na buhay pa ang dalawang sakay ng eroplano at makakauwing sila sa kanilang pamilya.

Nanawagan din siya sa publiko lalo na ang nakakita sa eroplano na agad ipabatid sa kinauukulan upang agad na makapagsagawa ng search and rescue operation.