CAUAYAN CITY – Nakipag-ugnayan na ang Incident Management Team sa Coast Guard K9 Force para sa paghahanap sa nawawalang Piper Plane.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante Foronda, ang Commander ng Incident Management Team na naghahanap sa nawawalang Piper Plane, sinabi niya na tumulak na ang mga kasapi ng PNP sa bahagi ng Brgy. Casala San Mariano kahapon habang ang mga kasapi naman ng MDRRMO Palanan ay tumulak na rin patungo sa Didian, Palanan para hanapin ang nawawalang eroplano.
Aniya bagamat maraming ahensya na ang nagcommit para sa search and rescue operation ay hindi muna pinalarga ng IMT dahil titiyakin muna ang detalye ng lugar at aalamin muna ang mga asset at iba pang kailangan bago sila magpunta.
Inihayag ni Atty. Foronda na kung ikukumpara sa naging sitwasyon sa paghahanap sa CESSNA 206 Plane na nawala at bumagsak sa Siera Madre ay mas madali ang pahahanap ngayon dahil mas malapit ang maaring binagsakan ng eroplano at kung titingnan sa Flight radar ay kita ang lugar kung saan huling nadetect ang eroplano at consistent din sa mga sinasabi ng mga nakakita rito.
Ngunit maaring mas malayo ang binagsakan ng eroplano mula sa elevation nitong nadetect ng radar at sa elevation nito noong nawala na sa radar.
Dahil dito ay magsisimula ang ground rescuers sa lugar ng huling radar detection hanggang magpang-abot ang dalawang team mula sa San Mariano at Palanan.
Problema ngayon ng mga kasapi ng search and rescue operation ang maulang panahon sa kabundukan kung saan hinihinalang bumagsak ang Piper Plane RP-C1234.
Kung susumahin maaring mamayang hapon ay mararating na ng Palanan Team ang tinukoy na site sa Palanan habang ang PNP Team ay dumating na sa Brgy ng San Mariano kahapon at ginagalugad na ang site.











