--Ads--

CAUAYAN CITY – Patatakpan ng Pamahalaang Barangay ng Manaoag Cauayan City ang hinukay na septic tank sa purok 6 na siyang naging sanhi para malunod at mamatay ang isang pitong taong gulang na batang babae.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kapitan Sonny Galutera Nonan sinabi niya na napag usap na nila ang pamilya ng bata maging ang may-ari ng ginagawang septic tank para mag kasundo o magkaayos dahil nagkaroon din ng pagkukulang ang magulang ng nasawing bata sa insidente.

Mungkahi niya ngayon na patabunan o takpan na ang ginagawang septic tank lalo at dalawampung metro lang din ang layo nito sa kanilang basketball court.

Handa naman ang barangay na magpaabot ng tulong sa pamilya ng nawasing bata.

--Ads--

Nakausap na niya ang tatay ng nasawing bata na malapit din nilang kamag-anak at batay sa pahayag nito na bago ang insidente ay pinauwi niya ang kaniyang anak dahil sumunod ito sa kaniya ng lumabas siya sa bahay.

Hindi umano niya akalain na dadaan ang anak sa likurang bahagi ng ginagawang bahay ng kanilang kapitbahay kung nasaan ang ginagawang septic tank na may lalim na 5 feet.

Aniya batay naman sa pakikipag usap nila sa may-ari ng ginagawang septic tank na mula ng magsimula silang maghukay ay pinagbawalan na nila ang mga bata sa lugar na dumaan o pumunta sa likuran ng ginagawang bahay dahil delikado doon lalo kung umuulan at madulas ang lupa.

Ayon pa kay Punong Barangay Nonan maulan nang maganap ang insidente kaya marahil inakala ng bata na mababaw lamang ang tubig kaya sinubukan pa nitong maghugas ng paa sa kasamaang palad ay nahulog ito at nalunod.

Sa katunayan aniya ang purok 6 ay catch basin sa kanilang barangay kaya pag maulan ay madalas talagang binabaha ang lugar.