--Ads--

Nagsanib pwersa ang Department of Agriculture o DA Region 2 at DA CAR upang matulungan ang mga magsasaka ng kamatis.

Ito ay matapos kumalat sa social media ang mga larawan at video ng tone-toneladang kamatis na basta na lamang itinapon sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Ang mga itinapong kamatais ay mga hindi umano nabenta dahil sa dami ng supply nito sa naturang Lalawigan.

Sa ngayon, naglalaro na umano sa P5 hanggang P9 ang per kilo ng kamatis sa pamilihan ng Nueva Vizcaya kumpara sa lunsod ng Ilagan ay nasa P50 pa rin.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino, sinabi niya na isinangguni na lamang sana muna ng mga may ari ng kamatis sa tanggapan ng DA bago nila ito itinapon upang napakinabangan pa sa pamamagitan ng Kadiwa Stores.

Sabay-sabay aniya ang pag-aani ng mga magsasaka ng kamatis kaya sobra sobra ang suplay nito ngayon ngunit kung titingnan sa ibang lugar ay nagkukulang pa rin naman ng suplay.

Upang maiwasan nang maulit ang pangyayari ay nagpulong na ang DA Region 2 at DA CAR.

Maglalaan ng pondo ang NVAT sa Nueva Vizcaya upang maitulong sa mga magsasakang maapektuhan ng oversupply.

Marami rin aniyang mga pribadong organisasyon o grupo na maaring makatulong upang maideliver ang mga aning kamatis ng mga magsasaka.