CAUAYAN CITY – Natagpuan na ang nawawalang pasahero ng bumagsak na piper plane sa San Mariano, Isabela.
Ayon sa Incident Management Team, sa kasawiang palad ay natagpuang wala ng buhay si Ginang Erma Escalante kahapon alas-9 ng umaga ng K9 trackers sa layong 200 meters mula sa pinagbagsakan ng eroplano.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Red Oliva Lim, lider ng AK9 Mandog Sniffer Volunteer Organization na mula pa sa Sto. Tomas, Batangas, sinabi niya na ang labi ni ginang Escalante ay natagpuan ng K9 dog na si Wheel sa dalisdis ng bundok dala-dala ang kaniyang bag at mga dokumento na tinatayang tatlong araw nang walang buhay.
Kasama ni Wheel ang dalawa pang tracker dogs at ang kanilang anim na handlers na bahagi ng search and rescue team na nagtungo sa crash site.
Nadala naman ang mga labi nito sa Tactical Operations Group 2 o TOG 2 sa Cauayan City kahapon alas dos ng hapon lulan ng SoKol helicopter.
Pagkatapos ng funeral processing ay ililipad din ito sa Palanan, Isabela na desisyon ng kanyang asawa.
Magugunitang una ng nakita sa crashed site ang wala nang buhay na katawan ng piloto na si Captain Levy Abul II.
Noong ikatatlumpo ng Nobyembre nang napabalitang nawala ang naturang eroplano at noong ikalima ng Disyembre ay natagpuan ito sa bulubunduking bahagi ng Barangay Casala, San Mariano,Isabela.











