CAUAYAN CITY – Mga baril at kagamitang pandigma narekober ng pwersa ng 95th Infantry Battalion (95IB) at 52nd Division Reconnaissance Company sa Barangay T. Elizaga, Gattaran, Cagayan.
Kabilang sa mga narekober ng sundalo ang isang M16A1 rifle, mga bandolier, medical paraphernalia, mga subersibong dokumento at mga personal na gamit.
Ayon sa pamunuan ng 95IB, ang mga narekober na mga kagamitang pandigma ay pinaniniwalaang pag-aari ng grupo ni Ariel Arbitrario alyas Karl na nakasagupa ng mga kasundaluhan dalawang araw bago magpasko sa Barangay San Carlos ng nasabing bayan.
Kung matatandaan, nakaengkwentro ng tropa ng 95IB ang tinatayang labindalawang kasapi ng Komiteng Probinsya Cagayan noong ika–23 ng Disyembre taong kasalukuyan sa nabanggit na lugar.
Tumagal sa halos isang oras ang palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay nina Alyas Jero na mula sa General Santos City sa Mindanao at Jaja Maria Valencia alyas Maria na tubong Tatalon, Quezon City.
Dahil dito, mas lalong pinaigting ng mga kasundaluhan ang pagtugis sa mga natitirang miyembro ng komunistang teroristang grupo sa mga lugar na maaaring pinagkublihan ng mga ito.
Sa ngayon, nasa kostudiya ng kasundaluhan ang mga narekober na kagamitang pandigma para sa kaukulang disposisyon at patuloy parin ang isinasagawang paggalugad sa karatig bayan.











