CAUAYAN CITY – Hindi na pinapayagan ang pagdaan ng mga mabibigat na uri ng sasakyan sa Ileb Bridge sa Nambaran, Tabuk City, Kalinga.
Ipinatupad na ng mga kinauukulan ang mga limitasyon sa pagtawid sa Ileb Bridge dahil sa isang butas sa tulay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Aurora Amilig ng LGU Tabuk City, sinabi niya na ang mga magagaan na sasakyan lamang na tumitimbang ng hanggang limang tonelada ang pinahihintulutang makakatawid sa tulay.
Aniya nasa apatnaput pitong taong gulang na ang tulay kaya humihina na ang pundasyon nito.
Lalagyan naman ng metal plating ang bahagi ng tulay na may bitak o butas upang hindi bibigay sa pagdaan ng mga sasakyan.
Ayon kay Ginang Amilig wala pang nabanggit ang DPWH na pangmatagalang solusyon sa nasabing problema dahil pinag-uusapan pa ang plano sa nasabing tulay na maglilimampung taon na rin o tatlong taon na lamang bago magtapos ang lifespan nito.
Umaasa silang may plano na rito ang pamahalaan dahil ito ang isa sa pangunahing daanan ng mga byahero mula Tuguegarao City at iba pang adjacent routes.
Upang mabawasan naman ang abala sa byahe, iminungkahi niya sa mga motorista ang mga alternatibong ruta sa Romualdez-Quezon-Tabuk Road.











