--Ads--

CAUAYAN CITY – Natuklasan ng mga awtoridad na ang tatlong indibidwal na nahulihan ng mahigit limang milyong pisong halaga ng Marijuana Bricks ay nagsusuplay rin sa ibang rehiyon kabilang ang NCR.

Matatandaang nahuli sa operasyon ang tatlong indibiduwal kabilang ang dalawang babae na mga residente ng Ifugao at Kalinga sa bayan ng Bagabag Nueva Vizcaya.

Nakumpiska sa mga suspek ang apatnapu’t apat na piraso ng marijuana bricks na may timbang na apatnapu’t apat na kilo at may estimated market value na P5,280,000 gayundin ang P445,000 na boodle money.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Agent Jojo Gayuma ng PDEA Nueva Vizcaya, sinabi niya na base sa kanilang inisyal na impormasyon, maliban sa Region 1, 2 at Cordillera Administrative Region ay nagsusuplay rin ang mga suspek sa National Capital Region o NCR.

--Ads--

Patuloy naman ang kanilang pag-alam kung may kontak ang mga ito sa mga barangay na may checkpoint dahil sila ay nakakalusot.

Hinala ng mga pulis ay may tagasubaybay sa mga checkpoints ang mga pinaghihinalaan kapag sila ay nagbibiyahe ng iligal na droga.

Aniya may inisyal na silang impormasyon patungkol sa pinagkukunan ng suplay ng mga pinaghihinalaan ngunit hindi pa ito berepikado kaya hindi muna inilabas ng pulisya.

Tiniyak naman ni Chief Agent Gayuma na maigting ang kanilang imbestigasyon sa naturang kaso dahil malaking volume ang nakumpiska at maaring malaking grupo rin ang mga sangkot dito.