--Ads--

CAUAYAN CITY – Sa kabila ng paghihinagpis ay tila nabunutan ng tinik ang mga kamag-anak ng Pamilya Estoce mula sa Echague Isabela matapos mabalitaan sa Bombo Radyo Cauayan na natunton na ng mga pulis ang kotseng sangkot sa aksidenteng ikinasawi ni Angelo Rian walong taong gulang.

Sa ngayon ay wala pa ring ideya ang magulang ng nasawing bata sa sinapit ng kanilang anak dahil hanggang ngayon ay hindi pa nila alam ng mga kamag-anak kung paano nila sasabihin sa kanila ang nangyari.

Nanatili pa rin kasi sa pagamutan ang mag-asawang Richard Estoce at Daisy Batag dahil nagpapagamot at naghihintay pa ng operasyon.

Maswerte namang nakaligtas sa aksidente ang tatlong taong gulang na anak ng mag-asawa dahil nang makita ng ginang na sila ay mababangga ay nagawa niyang maihagis ang anak sa gilid ng kalsada sanhi para magtamo ito ng minor injury habang pinakanapuruhan naman ang walong taong gulang na si Angelo Rian na noon ay nasa harapan ng motorsiklo.

--Ads--

Wala ring witness o nakakita sa pangyayari maliban lamang sa isang matandang tumulong para pulutin ang bata na inihagis sa gilid ng kalsada.

Humihingi ng tulong ang kanilang mga kamag-anak dahil ang tanging ikinabubuhay ng pamilya ay pagbibilad ng palay.

Panawagan nila sa mga may mabubuting loob na kahit kaunting tulong para sa kanilang pamilya upang matustusan ang gagastusin sa burol ng bata at panggatas ng nakababatang kapatid nito.

Anumang tulong pinansyal na nais ipaabot sa pamilya ay maaaring ipadala sa gcash account 0975-252-9093 o tumawag sa numerong 0906-642-5928.