--Ads--

CAUAYAN CITY – Narekober sa Gonzaga ang matataas na kalibre ng baril, mga bala, pampasabog, medical paraphernalia, subersibong dokumento at ilang personal na gamit matapos ang naganap na armed encounter sa Brgy. Pateng Gonzaga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj. Rigor Pamittan, Hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na ang pagkakarekober ng mga kasapi ng 502nd Infantry Brigade sa mga karagdagang armas at pampasabog ay kasunod ng naganap na armed encounter sa nasabing lugar.

Aniya nagpapatuloy ang kanilang intensified operation sa nasabing lugar upang matugis ang nasa dalawampung natitirang myembro ng rebeldeng grupo.

Ang mga narekober na gamit pandigma ng mga miyembro ng New Peoples Army ay dinala na sa kampo ng militar at katuwang ang Philippine National Police ay magsasagawa sila ng imbestigasyon upang matukoy kung nagamit na ang naturang mga armas.

--Ads--

Samantala, sa ngayon ay naibaba na ang bangkay ng isang New Peoples Army na miyembro ng Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon Cagayan Valley na nasawi sa engkwentro.