CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang guwardiya matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa Bulanao, Tabuk City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Master Sgt. Prudencio Atas jr., tagapagsalita ng Tabuk City Police Station, sinabi niya na ang biktima ay si John Felix Ampacao Bugu-en, tatlumpu’t dalawang taong gulang, security guard ng isang fast food chain at residente rin ng nabanggit na lugar.
Agad namang dinala sa pagamutan ang biktima na nagtamo ng isang tama ng bala sa hita.
Batay sa kanilang imbestigasyon, walang nakakilala sa riding in tandem na bumaril sa biktima habang siya ay nakaduty sa isang fast food chain.
Bago ang pamamaril ay pumarada ang riding in tandem na sakay ng isang XR 150 na kulay pula at puti sa harapan ng fast food chain kung saan naka duty ang biktima.
Bumaba aniya ang back rider na nakasuot ng black hooded jacket, may taas na 5 feet at 11 inches at nagtanong kung bukas pa ang kainan at nang sinabi umano ng biktima na sarado na ay biglang naglabas ng baril ang suspek at pinaputukan ang guwardiya.
Matapos ang pamamaril ay agad sumakay sa motorsiklo ang suspek kasama ang driver at tumakas.
Narekober naman sa lugar ang anim na basyo ng 9mm na baril.
Sa ngayon ay nagsasagawa na sila ng hot pursuit operation para matunton ang posibleng pinagtataguan ng mga suspek at para malaman ang motibo sa pamamaril.











