--Ads--

CAUAYAN CITY – Inihayag ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System o NIA MARIIS na mababawasan ang lawak ng mga sakahang mapapatubigan nila sa susunod na cropping season.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS sinabi niya na patuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Magat Dam dahil sa kawalan ng pag-ulan sa watershed areas na epekto ng El Niño Phenomenon.

Aniya, nasa 173.47 meters above sea level ang water elevation ng dam.

Nasa 30.18 cubic meters per second naman ang inflow o pumapasok na tubig habang ang outflow ay nasa 76.39 cubic meters per second.

--Ads--

Nakatakda naman ang cut off sa patubig ng NIA-MARIIS sa ikalabinlima ng Marso kaya tiwala silang kakayaning makapag-ipon ng tubig para sa susunod na cropping season.

Dahil sa kawalan ng ulan ay inaasahang mas bumaba pa ang lebel ng tubig kaya pinaalalahanan nila ang mga magsasaka na maaring mabawasan ang lawak ng mga sakahang kanilang matutustusan ng patubig.

Aniya animnapung libong ektarya ng sakahan lamang ang inaasahan nilang kakayaning mapatubigan mula sa dating siyamnapung libong ektarya.

Nakadepende naman ito sa magiging elevation ng dam at sa mapag-uusapang plano ng pamunuan at mga stakeholders nito.

Iginiit ni Engr. Dimoloy na nais man nilang mapatubigan lahat ng mga sakahan ay maaring magdulot  naman ito ng kanilang pagkalugi kapag nagkulang na ang tubig sa reservoir.

Nakatakdang buksan muli ang patubig ng Magat Dam sa ikapito ng Mayo para sa pagsisimula ng mga magsasaka sa pagtatanim.