CAUAYAN CITY – Nasunog ang isang pampasaherong jeep sa pambansang lansangan sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Officer 2 Tyron Reginalde ng Bambang Fire Station, sinabi niya na batay sa driver ng jeep at ilang mga saksi ay may nakapansin na umuusok ang ilalim ng jeep kaya inihinto niya ito sa gilid ng pambansang lansangan at pinababa ang mga pasahero.
Ilang segundo lamang ay lumiyab ang ilalim ng jeep at tuluyang nasunog.
Malaking tulong aniya na nagkusa ang isang mall sa lugar na gumamit ng hose at naitaon din na dumaan ang ilang pulis na nanguna sa pag-apula ng sunog.
Ang nasunog na jeep ay pagmamay-ari ni Bienvinido Tuazon na minamaneho ni Mario Frago na may rutang Aritao-Solano.
Isa sa nakikitang dahilan ay ang foulty electrical wiring malapit sa diesel tank kaya naman mabilis na kumalat ang apoy.
Ang kadalasang dahilan ng sunog ay ang mga electrical wiring na overloading at poor maintenance.
Umaabot naman sa 280,000 pesos ang halaga ng tinupok ng apoy.











