CAUAYAN CITY – Nasa kustodiya na ng Cauayan city Police Station ang driver ng 10-wheeler truck na bumangga sa isang furniture shop sa Barangay Tagaran, Cauayan City.
Matatandaang nasa malubhang kalagayan ang mag-asawang sina Artemio at Violeta Calixtro matapos na araruhin ng 10-wheeler truck ang kanilang furiture shop.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injuries and Damage to Properties.
Eksklusibong nakapanayam ng Bombo Radyo Cauayan ang suspek na si Alfie Saquing, at sinabi niya na dahil sa hindi napigilang antok ay nakaidlip siya dahilan upang aksidente niyang mabangga ang furniture shop.
Labis naman ang paghingi niya ng tawad sa mga biktima.
Pinayuhan din niya ang kapwa niya mga driver, na kung inaantok na ay mas mainam na huminto muna sa gilid at umidlip.
Huwag aniyang pigilan ang antok para hindi matulad sa kanya na nakadisgrasya.











