CAUAYAN CITY – Aminado ang Pamunuan ng Brgy. Minante 2, Cauayan City na nahihirapan na silang sugpuin ang talamak na nakawan sa kanilang nasasakupan dahil kahit anong aksyon na gawin nila ay nasasalisihan pa rin sila ng mga magnanakaw.
Matatandaang makalipas ang ilang linggo ay muling nakapagtala ng insidente ng pagnanakaw ang barangay.
Sa pangalawang beses ay ninakawan ang isang karinderya kung saan nalimas ng mga kawatan ang mga paninda partikular ang bigas, sigarilyo, mga rekado, at maging ang dalawang tangke ng LPG.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Saturnino Aggarao Jr., sinabi nito na maging silang opisyal ng Barangay ay nahihirapan sa pagresolba ng problema.
Ito na aniya ang pang apat na kaso ng nakawan sa barangay Minante 2 ngayong 2024.
Aniya, nakakatanggap din sila ng report na may mga nagnanakaw ng palay na hindi pa naaani.
Wala namang gabi aniya na hindi nagroronda ang mga tanod ngunit nasasalisihan pa rin sila ng magnanakaw.
Aminado naman siya na hindi 24/7 ang trabaho ng mga tanod dahil may kanya kanya rin silang pinagkakaabalahan sa bukid.
Naniniwala sila na alam ng mga kawatan ang oras ng kanilang pagroronda.
Suhestiyon nito sa mga tanod ay huwag nang sundin ang oras ng pagronda na alas nuebe at ala una ng madaling araw dahil tiyak na inaabangan na ng mga kawatan na matapos ang oras bago sila sasalakay.
Pinag-iingat naman ni Barangay Kapitan Aggarao ang kanyang mga kabarangay at tiyaking na doble o triple ang lock ng kanilang mga bahay o tindahan at kung mag-aani man ng pananim ay bantayan ang mga ito.











