CAUAYAN CITY – Malimit pa ring nasasangkot sa iligal na droga ang ilang mga subok-laya o Ang mga probationers na nahatulan ng sala ngunit nasuspinde ang sentensiya ng pagkakulong.
Aminado ang Parole and Probation Office na sa 218 na probationers ay may ilan pa ring hindi tumitigil sa masamang bisyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Parole and Probation Office Chief Pedro Almeda Jr.,, sinabi niya na sa isinasagawa nilang random drug testing ay may tatlo pa rin silang nahuli na gumagamit ng iligal na droga.
Aminado naman ang mga subok laya na hindi mapigilang hindi gumamit lalo at hinahanap ito ng kanilang katawan.
Bukod sa random drug test na isinasagawa, tuloy-tuloy din ang monitoring sa kanila upang alamin kung may pagbabago.
Aniya, madali lamang nilang matukoy kung gumagamit pa rin ang isang probationer o hindi na, kung gumaganda ang pangangatawan nito.
Kung may pagbabago man aniya sa kilos at personalidad ng mga probationers ay maaari silang ma-endorso na tuluyang makalaya.
Nagpaalala ang Parole and Probation Office sa mga probationers na kung gusto nilang tuluyang makalaya ay itigil na ang pagkakasangkot sa masamang bisyo.
Hinihikayat din ng Probation Office ang mga nahatulan ng hindi lalagpas sa anim na taon ang sintensya na lumapit sa kanilang opisina upang sila ay matulungan.











