CAUAYAN CITY – Labis-labis ang pagsisisi ng isang delivery rider matapos ang kanyang pagpapanggap na siya ay nakidnap.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nilinaw ng Delivery rider na si Arlito Dumlao kung ano ang tunay na nangyari noong ikawalo ng Marso na napaulat siyang nawawala.
Humingi siya ng paumanhin at pang-unawa dahil sa kaniyang nagawa na nagdulot ng alarma sa buong bayan ng Echague.
Inihayag niya na dahil sa pagiging tuliro ay nakabuo siya ng senario at pinalabas niya na siya ay dinukot, ginapos at inabandona sa isang liblib na lugar.
Giit niya na nalulong siya sa sugal at nagkaroon ng patung-patong na pagkakautang.
Dahil nagastos niya ang kaniyang collection bilang rider ay hindi niya alam kung saan siya kukuha ng kaniyang ibabayad sa kaniyang hinuhulugang utang kaya nagawa niya ito.
Una ay humingi siya ng tulong sa kaniyang kapatid na nasa abroad subalit bigo siyang makakuha ng tulong kaya ang tanging opsyon na kaniyang naisip ay umalis.
Iniwan niya ang kaniyang tricycle at naglakad patungo sa Lunsod ng Santiago at sumakay ng bus papuntang Maynila.
Dahil wala siyang pera ay pinababa siya ng bus na kaniyang sinakyan kaya sumakay siya ng jeep patungo sa Tarlac City at doon nagpalipas ng ilang araw.
Hindi aniya niya inakala na dahil sa kaniyang maling desisyon at pagsisinungaling ay nagdudulot ng malaking problema.
Humihingi siya ngayon ng paumanhin sa Publiko at sa PNP Echague dahil sa kaniyang nagawa.
Samantala, nagbabala ang Echague Police Station sa ganitong gawain.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, Inihayag ni PMaj. Rogelio Natividad na pinaaalalahanan nila ang publiko lalo na sa kanilang nasasakupan na may kaukulang parusa ang ganitong mga gawain lalo na kung nagdudulot ng pangamba sa seguridad ng taumbayan.
Aniya anumang problema na pinagdadaanan at kung gagawa ng hakbang ay pag-isipan ng maraming beses kung magkakaroon ito ng hindi magandang resulta para sa nakararami.
Babala din niya sa mga mahilig magpost sa social media na maging responsable upang hindi magdulot ng kalituhan.











