CAUAYAN CITY – Limang katao ang nasugatan matapos na matupok ng apoy ang apat na residential house sa Molintas Street, Purok 5, Bulanao Tabuk City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay fire Officer 2 Flora Magannon sinabi niya na pasado alas-10 ng gabi Marso 19, 2024 sumiklab ang sunog sa residential compound ng Gayawet family.
Tatlo sa mga nasunog ng bahay ang natupok ng apoy habang nagtala lamang ng partial damage ang ikaapat na bahay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP Kalinga natukoy na si Randy Gayawet ay nagtamo ng mga paso sa katawan at sugat sa hita dahil sa insidente na agad dinala sa pagamutan at kasalukuyan ng nagpapagaling.
Nagtamo rin ng injury ang kanyang asawa at tatlong anak matapos silang makaligtas sa sunog sa pamamagitan ng pagdaan sa bubong.
Sinira nila ang bubong ng bahay matapos na mabigong buksan ang pintuan dahil sa malaki na ang apoy .
Sa kasagsagan ng sunog ay nakarinig pa ang mga residente sa lugar ng pagsabog sa bahay ni Ginoong Randy Gayawet.
Una rito ay naubusan umano ng gasul ang biktimang si Randy kaya naggatong sila kanilang dirty kitchen kung saan nagsimula ang sunog hanggang sa kumalat ang apoy.
Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon at ikinukunsidera Rin ng BFP Kalinga ang short circuit o kaya ay LPG tank explosion.
Sa ngayon ay pansamantalang nakikitira ang mga naapektuhang pamilya sa kanilang mga kaanak sa compound.











