Inihayag ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System o NIA MARIIS na plano nilang bumili ng sarili nilang dredging machine maliban sa pribadong kompanya na magsasagawa nito sa Dam.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager A ng NIA-MARIIS, sinabi niya na nagpapatuloy ang pagpaplano ng NIA-MARIIS sa isasagawang dredging sa dam dahil sa siltation sa impounding area nito.
Ang dredging ay pangungunahan ng Japan International Cooperation Agency o JICA na unang nagsagawa ng Feasibility Study patungkol sa Flood Control
Project sa Cagayan River.
Isa sa pangunahing rason ng dredging ang posibleng pagkasira ng dam kapag nagkaroon ng malaking volume ng pag-ulan at pagbaha dahil sa climate change na maaring makaapekto sa dam.
Kailangan ang dredging sa dam reservoir upang makapag-ipon ng mas malaking volume ng tubig para sa irigasyon sa mga sakahan at power generation.
Ayon kay Engr. Dimoloy aabot sa P300 milyon ang inaasahang gagastusin para sa bibilhin nilang dredging machines.
Magagamit ito sa dredging sa bukana ng dam at sa connecting channel patungo sa 6 megawatt Baligatan Hydro Electric Power Plant.
Sa ngayon ay sarado na ang mga irrigation channels ng Magat Dam upang makapag-ipon ng tubig para sa susunod na taniman sa buwan ng Mayo.
Sa nakalipas na tatlong buwan ay tatlong metro lamang ang itinaas ng water elevation kaya inaasahan na nilang hindi maabot ang kanilang target na elevation bago ang taniman ng mga magsasaka.
Umaasa naman ang NIA-MARIIS na makakaranas ng pag-ulan sa watershed areas upang makadagdag sa naipong tubig sa dam.











