--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinaalalahanan ng City Health Office o CHO 1 ang publiko kaugnay sa nararanasang matinding init ng panahon sa Lungsod ng Cauayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Health Education Promotion Officer Ruby Ballesteros ng CHO 1, sinabi niya na mahalagang bigyan ng pansin ang init ng panahon para makaiwas sa sakit gaya ng heat stroke.

Aniya, ugaliing uminom ng maraming tubig para laging hydrated, huwag lumabas ng bahay kung hindi kinakailangan lalo na tuwing alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, magdala ng pananggalang sa init, magsuot ng mga preskong damit, maligo, huwag mag ehersisyo kung tirik ang araw, at kumuha ng basang twalya at ipunas sa katawan.

Pinayuhan naman niya ang mga motorista na sumilong sa mga malilim na lugar tulad ng puno kung kinakailangan upang hindi mabilad sa araw.

--Ads--

Ayon kay Ballesteros, dapat sundin ng publiko ang ganitong klase ng mga paalala para makaiwas sa heat stroke o heat exhaustion.

Sa ngayon ay wala pa namang naitatalang kaso ng heat stroke o heat exhaustion sa lungsod kaya’t inabisuhan niya ang mga residente na magtungo agad sa pinaka-malapit na pagamutan kung nakitaan ng sintomas upang agad na maagapan.