CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Provincial Veterinary Office ng Isabela na walang kaso ng bird flu sa lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Belina Barboza, Provincial Veterinary Officer ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na katatapos lamang ng kanilang regular survey sa blood collection para malaman kung may sakit na bird flu sa lalawigan at negatibo naman ang lahat ng resulta.
Aniya, para matiyak na hindi makapasok ang bird flu sa Isabela ay patuloy ang maigting na checkpoint sa mga pangunahing entry point sa lalawigan partikular sa Cordon, Quezon, San Pablo at Sta. Maria.
Pangunahing sinusuri ang mga biyahero na may kargang poultry at tinitingnan ang kanilang papeles para matiyak na walang infection ang manok na dala nila.
Ang mga migratory bird naman ay dumarating sa first quarter ng taon o buwan ng Enero at posibleng magdala ang mga ito ng infection mula sa ibang lugar.
Payo naman nila sa mga mamamayan na kapag may namatay sa kanilang mga alagang poultry ay huwag katayin dahil posible itong pagmulan ng sakit.
Ang bird flu aniya ay sakit sa poultry pero pwedeng maihawa sa tao kaya lubha itong delikado.











