CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Philippine Army ang kaligtasan ng mga sibilyan na malapit sa nangyaring engkwentro sa lalawigan ng Abra noong ikalawa ng Abril.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Maj. Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division, Philippine Army na dahil sa engkwentro ay may mga inilikas na residente ng Nagcanasan at Gapang, Pilar, Abra at mayroon din sa Baballasioan, Sta. Maria, Ilocos Sur.
Aniya, nasa isa hanggang dalawang kilometro ang layo ng bahay ng mga inilikas na mga residente sa pinangyarihan ng engkwentro.
Sa ngayon ay nakabalik na rin silang lahat sa kani-kanilang mga bahay at tiniyak naman niya ang kanilang seguridad.
Samantala, patuloy namang nagpapagaling sa pagamutan ang sundalong nasugatan sa naturang engkwentro.
Ayon kay Maj. Pamittan, malaking tulong ang support para mailikas ang naturang sundalo habang kasalukuyan ang palitan ng putok sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng mga rebelde na tinatayang mahigit tatlumpo ang bilang.
Sinabi pa ni Maj. Pamittan na may mga narekober na war materials na pagmamay-ari ng Ilocos Cordillera Regional Committee.
Aniya, samut-saring Improvised Explosive Device o IED, homemade grenades, mga matataas na kalibre na armas, mga kagamitan sa paglikha ng IED at Granada, ammonium phosphate, bala at iba pang kasangkapan ng paglikha ng IED ang narekober.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng 501st Infantry Brigade ang mga at nagpapatuloy pa rin ang hot pursuit operation sa lugar.
Ayon pa kay Maj. Pamittan, may mga inilatag na IEDs sa lugar bilang warning device.
May posibilidad naman aniya na may mga nasugatan sa mga rebelde dahil hindi aniya sila tatagal sa isang engkwentro kung wala silang isinasalba na kanilang mga kasamahan.
Nagpapasalamat naman ang Philippine Army sa mga mamamayan sa pakikipagtulungan sa kanila at sa suporta sa kampanya ng pamahalaan para labanan ang insurhensiya.











