CAUAYAN CITY – Arestado ang mag-tiyuhin matapos silang makapanakit at mambastos ng isang pulis sa checkpoint sa Brgy. Alinam, Cauayan City.
Ang mga inaresto ay sina Pedro Cacayan, limampu’t dalawang taong gulang, may-asawa, magsasaka at ang kanyang pamangkin na si Joseph Cacayan, labing walong taong gulang, binata, estudyante at kapwa residente ng Brgy. Nungnungan Dos, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpl. Romulo Forto, isa sa mga biktima kanyang ibinahagi na nagsasagawa sila ng checkpoint nang sinita nila ang mga suspek dahil sa pagmamaneho ng walang helmet.
Aniya sa halip na tumigil ay dire-diretso lamang sa pagmamaneho si Cacayan hanggang sa nabangga niya ang isang Pulis.
Dumating din ang pamangkin nito at aroganteng nagpakilala bilang Criminology Student at Officer ng Reserve Officers’ Training Corps o ROTC.
Pilit umano siyang nakipagtalo dahil kinukwestyon nito ang dahilan kung bakit inaresto ang kanyang tiyuhin.
Napag-alaman na maliban sa walang suot na helmet ay nakainom pa si Pedro Cacayan habang nagmamaneho ng motorsiklo at sinadya talagang takbuhan ang checkpoint.
Sa ngayon ay kapwa nahaharap ang magtiyuhin sa kasong Disobidience to person in authority at reckless imprudence resulting in physical injury.











