CAUAYAN CITY – Umaasa ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board Region 2 na makakatalima ang lahat ng mga employer at negosyo sa nakatakdang 15 pesos na wage increase sa Lambak ng Cagayan dahil wala namang naghain ng exemption.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Board Sec. Heidelwina Tarrosa ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board Region 2, sinabi niya na una na silang nakapagpalabas ng wage order noong nakaraang taon.
Naging epektibo ang unang umento noong October 2023 habang itinakda ang ikalawang umento noong unang araw ng Abril.
Mula unang araw ng Abril ay dapat naibigay na ng mga empoyer ang dagdag na labinlimang piso na umento sa sahod ng mga manggagawa.
Sa kasalukuyan ang sahod ng mga Non-Agricultural Sector ay 450 pesos habang 430 pesos naman sa Agricultural sector.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang pagsasagawa nila ng information dissemination para sa umiiral na wage increase para mapaalalahanan ang mga employer at mga negosyong tumalima sa mandato.
Nakatalaga naman ang inspectorate division ng Department of Labor and Employment o DOLE sa monitoring para matiyak na ibibigay na ang mga karagdagang sahod ng manggagawa.
Hihingi naman ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng inspection report para makuha ang compliance rate sa buong Region 2.
Ang mga employer na mapapatunayang hindi tumalima sa umiiral nang minimum wage ay maaaring mapatawan ng parusa.
Hinihikayat naman ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang mga employer na makilahok sa wage consultation dahil aasahan na magkakaroon na ng wage review dalawang buwan bago magpaso ang wage order sa Oktubre kahit walang petition para sa wage increase.











