--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakapagtala na ng apat na pagkasawi dahil sa rabies ang Isabela Provincial Veterinary Office.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Veterinarian Dr. Belina Barboza, ang pinakahuling nasawi ay isang Canadian National na mula sa Barangay Alibagu, City of Ilagan na nag aalaga ng nasa higit apatnapung aso na may iba’t ibang breed.

Kamakailan lamang nang matuklasang positibo ito sa rabies at napag alaman na makailang ulit na itong nakagat ng aso ngunit hindi umano ito nagpapagamot.

Matapos nilang matanggap ang ulat ay agad silang nagpadala ng team para magsagawa ng vaccination sa mga alagang aso ng biktima.

--Ads--

Aniya may sapat namang pondo ang lalawigan ng Isabela para sa pagbili ng bakuna upang mabakunahan ang mga alagang aso sa buong Lalawigan.

Karaniwang mga nasasawi dahil sa rabies ay ang mga pasyenteng hindi agad komukunsulta kung sila ay nakagat ng aso at ipinagsasawalang bahala ang nararamdamang sintomas.

Ayon pa kay Dr. Barbosa na una na silang nagtutungo sa mga barangay para magbakuna ng mga aso at napansin nila na may ilang pet owner ang walang kakayahan na mag-alaga ng aso.

Paalala niya sa mga fur parent, pet owners o pet lover na pagtungtong ng kanilang alaga sa tatlong buwan ay dapat pabakunahan na ito para maiwasang lumaganap ang sakit na rabies na hindi lamang sakit ng aso kundi nakakahawa rin sa tao.

Samantala inihayag pa ni Dr. Barbosa na maging mga alagang aso ay hindi rin ligtas sa heat stroke lalo at mainit ang panahon.

Aniya dahil sa matinding init ng panahon ay naapektuhan rin ang mga alagang aso lalo kung wala silang silungan at nanatiling naka bilad sa ilalim ng araw.

Wala naman umano itong direktang epekto para makapag-develop ng rabies ang isang aso.