--Ads--

CAUAYAN CITY – Arestado ang isang lalaki sa isinagawa drug buy bust operation ng mga otoridad sa barangay Ambatali, Ramon, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Fernando Mallillin, hepe ng Ramon Police Station na ang suspek ay si Alyas Mario na residente ng Bugalion Norte, Ramon, Isabela.

Nabili sa pinaghihinalaan ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.1 gram at may estimated value na 680 pesos.

Nakuha rin sa kanyang pag-iingat ang 500 pesos na buy-bust money at isang cellphone.

--Ads--

Ayon kay PMaj. Mallillin, dating drug surrenderee ang suspek at dahil sa isinasagawa nilang monitoring sa mga dating drug surrenderee ay napag-alaman nila na bumalik ito sa dating gawain kaya nagsagawa sila ng drug buy bust operation katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA laban sa kanya.

Batay aniya sa mga dating drug surrenderee na kanilang nahuhuli, karaniwan nilang rason kaya sila bumabalik sa dati nilang gawain ay para maiwasan ang kanilang mga problema sa buhay, hinahanap ng kanilang katawan, o di kaya naeengganyo sa kanilang mga barkada.

Tiniyak naman niya na hindi sila titigil sa panghuhuli sa mga nasasangkot sa iligal na droga dahil hindi maganda ang dulot nito sa lipunan.

Hinikayat din niya ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa kapulisan para masawata ang mga ganitong gawain.