CAUAYAN CITY – Umabot sa 1.8 million pesos ang estimated na pinsala ng sunog na tumupok sa dalawang bahay at isang Van sa Barangay Sindon Bayabo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Inspector Franklin Tabingo, Fire marshall ng Bureau of Fire Protection o BFP City of Ilagan, sinabi niya na batay sa kanilang pag-iimbestiga ay nagsimula ang sunog sa nakaparadang van sa pagitan ng dalawang bahay.
Aniya posibleng nagkaroon ng electrical malfanctioning ang baterya ng van kung saan nagsimula ang sunog hanggang sa naabot na ang kisame ng dalawang bahay.
Unang napansin ng mga saksi na umuusok ang nakapadarang van hanggang sa lumaki na ang apoy.
Habang wala pa ang bumbero ay nagtulong tulong ang mga residente para apulahin ang sunog subalit mabilis itong kumalat.
Ilan sa mga nakikitang dahilan kung bakit agad nadamay sa sunog ang dalawang bahay ay heat transfer mula sa nasusunog na van at ang matinding init ng panahon.
Samantala, sa ngayon ay nakapagtala na sila ng isa hanggang dalawang grass fire o rubbish fire na dulot ng pagsusunog ng ilang magsasaka sa kanilang mga sakahan.
Paalala niya sa mga magsasaka na maaari silang maharap o masampahan ng kaukulang kaso lalo na kung sila ay makakapaminsala ng anumang ari-arian.











