--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpaliwanag ang PNP Baler sa ginawa nilang pagharang sa mga endurance rider na dumaan sa kanilang nasasakupan.

Mahigit 800 rider na sumabak sa Scooter King 2024 endurance event ang hinarang sa kanilang pagdating sa bayan ng Baler, Aurora nitong Sabado ng gabi.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Eduardo Mendoza Jr., hepe ng Baler Police Station na una silang nakatanggap ng mga reklamo na may mga dumadaang motorsiklo na maiingay at sa kanilang pagresponde ay napag-alaman nila na mayroon palang endurance challenge na galing sa Cabanatuan at may rutang Baler, Quirino, at Isabela.

Hindi aniya ito nai-coordinate sa pulisya at sa local government unit kaya hinanapan nila ang mga riders ng coordination nila sa LGU para makapaglagay sila ng traffic martials sa mga daan at makapaglagay din ng medical team.

--Ads--

Habang kinakausap nila ang mga ito ay sila na ang nagdesisyon na magreroute na lamang sila.

Nagtataka rin aniya ang mga participants dahil walang PNP na nakadeploy kaya posibleng nagkaroon ng miscommunication sa organizers at sa participants.

Nilinaw ni PMaj. Mendoza na hindi nila ipinagbabawal ang mga ganitong aktibidad sa kanilang nasasakupan kundi nais lamang nilang magkaroon ng maayos na koordinasyon para makapaghanda sila at makapagtalaga ng medical team.

Ikinalungkot naman nila ang mgamaling impormasyon na kumakalat ngayon sa social media pero nanindigan siya na ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho bilang tagapagpatupad ng batas.

Panawagan na lamang niya sa publiko na maging responsable sa mga binibitawang salita sa social media.