CAUAYAN CITY – Ipinapaubaya na ni Isabela Governor Rodito Albano sa mga paaralan at local government units ang pagdedeklara ng walang pasok o magpatupad ng blended learning sa mga mag-aaral dahil sa matinding init ng panahon.
Kasunod ito ng naging abiso ng state weather bureau na posibleng umabot sa extreme danger ang init ng panahon sa mga susunod na araw dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Governor Albano na ipinapaubaya na niya sa mga namumuno sa mga paaralan at sa local government units kung magdedeklara sila ng walang pasok sa mga paaralan sa kanilang mga nasasakupan.
Payo niya na kung nakikita nila na matindi talaga ang init ng panahon ay huwag na lamang papasukin ang mga mag-aaral at manatili na lamang sila sa kanilang bahay.
Pinapayuhan din niya ang mga guro na mag-ingat din at magdala lagi ng pananggalang sa matinding init ng panahon.
Sa mga senior citizen at may karamdaman naman ay hinihikayat niya na manatili na lamang sa loob ng kanilang mga bahay at uminom din ng maraming tubig.
Ipinapayo rin niya ang pag-inom ng tubig ng niyog dahil marami itong maibibigay na nutrients sa katawan.
Sa mga magsasaka naman ay manatili na lamang din sa kanilang bahay kung wala ring mahalagang gagawin sa kanilang mga bukid lalo na at wala pa rin namang ulan.
Payo ni Governor Albano sa lahat na maging mapagmatyag at laging maging handa dahil hindi na biro ang epekto ng El Niño phenomenon sa ngayon.











